Nakakatawang isipin na isa ako sa mga tao na pinaplano na ang kinabukasan bago pa man ito mangyari. (Teka, may kapareho naman siguro ako sa inyo, di ba?) Bago ako manirahan dito sa New Zealand, may direksyon na ang landas na tinatahak ko… may mapa na at may finish line. Gusto mo ba malaman? Ito, ibabahagi ko sa iyo ang ilan sa kanila.
Plano ko, pagdating ko ng Third Year sa kolehiyo ay maghahanap na ako ng part-time na trabaho. Alam ko sa mga panahong ito ay malaki na ang gastusin ko. Gusto ko ikasal sa edad na 25 anyos. Gusto kosa edad din na iyon ay magkaroon ng panganay na anak. (Oo, seryoso ako dito.) Yung iba e medyo personal na kaya secret.
Plano. Hindi nga naman porke’t may draft ka na e may essay ka na na maipapasa. Maaring may palitan ka at magkaroon ng pagbabago at maari rin na may idagdag ka. Kaso sa aking sitwasyon, yung draft ko sa isang iglap ay naglaho. Nasunog ata, nahulog ko o nawala. Ewan. Nang aking hawakan ang aking draft e iba na ang nakasulat. Hindi ata akin ito. Wala sa plano ko na lilipat kami ng bahay; teka, gawin mo ng bansa.
Maraming pangako ang binitawan sa akin para mapilit ako na maisama dito sa lupain ng mga baka at tupa. Sayang at hindi nila ako inalok ng isang milyong piso para sumama sa kanila. Sa ganun e meron man lang nagging totoo sa mga ‘pangako’ nila sa akin.
Sabi nila, pagdating namin dito ay kumpleto na ang gamit. Wala na akong hahanapin pa. May sapatos na ako, damit, at kung anu-ano pa na ginagamit ko para maging desenteng tao. Iyon pala, nasa mall pa. Nanakawin ko pa para maging akin. Masyado raw kasing malaki ang closet ko kaya hindi na inilipat sa bahay.
Sabi nila, pagdating ko dito ay mag-aaral ako. Hindi ko inakala na ang aaralin ko pala ay kung paano tumaba, maging taong-bahay, maghugas ng pinagkainan, masanay sa araw-araw na bad day at makisama… dahil wala naman akong ginagawa, nasa bahay lang ako kaya kung ano ang iutos nila ay siya ring dapat nasa schedule ng araw ko.
Sa madaling sabi, kasambahay at translator nila ako dito. Ang galing no! Nag-aral ako ng BA Communication Arts sa UST para doon. *clap* Pumunta ako dito ng naka-Student Visa ngunit ngayon e visitor na lang ako dito. Tsk.
Sabi nila, mura ang bilihin dito. Mura siguro dahil iba ang halaga ng Philippine Peso at NZ Dollar. First time ko i-enjoy ang ukay-ukay. First time ko magkaroon ng tatlong pares lang ng pantalon (Mabuti na lang ngayon e anim na sila; nakabili ako.) First time ko rin na may isang pares lang ng sapatos (Ngayon lima na!). Ano pa ba? Hmm.
Sabi nila. Naniwala naman ako. Ikaw ba naman, pangakuan ka ng mukhang mas magandang buhay, hindi ka ba papayag? Huwag. Siguraduhin mo muna at huwag kang tumulad sa akin. Isang taon na akong nagpapataba. Tingin ko nga baka na ako e. Pag naabot ka na yung taba na gusto nila e ibebenta na ako. Doon lang ako magkakaroon ng silbi.
Pero hindi ko sila sinisisi. Hindi rin ako nagrereklamo. Naglalabas lang ako ng kung anumang tawag dito.
Una, sino ba naman ako para magreklamo? Pinapakain lang ako dito. Pangalawa, nakikita ko naman na naghihirap kami. Oo, hindi lahat ng nangingibang bansa e mayaman. Mahirap din kami no! Hindi ko nga malagyan ng laman bank account ko e. Pangatlo, hmm, wala na akong maiisip.
Basta, kahit sisihin ko sila wala naming mangyayari. Hindi naman babalik sa akin yung mga oras na ginugol ko sa pag-iisip ng kung ano kaya at kung sana, pag-iyak ng ilang gabi dahil talagang wala ng magawa, walang patutunguhan ang buhay dito at mga segundo na inisip ko na mag-suicide.
Natatawa ka na siguro pero kung naandito ka sa lugar ko at wala ka talagang magawa (dahil malayo ka sa sentro, kung aalis ka kailangan mo ng pera (malamang), wala kang magamit na computer (mabuti na lang ngayon meron kaso limited naman ang net at ang paggamit mo dahil may kaagaw kang dalawang asungot), walang cable kaya sa umaga puro advertisement ang mapapanood at mga alas-2 pa magkakaroon ng matinong palabas (pero kung naka plasma ka, buong araw meron ka makakapanood ng matinong palabas kaso wala kami nun) at may mga taong umaasa na gagawin mo lahat ng gusto nila: araw-araw ka maglilinis, maghuhugas, atbp.
Teka, may nagagawa naman pala ako. Ang ibig kong sabihin e wala akong magawa na gusto kong gawin. Ayaw ko kasing pinipilit. Ikaw ba, gusto mo? Gusto ko, kung ano gusto ko, gagawin ko. Kasi kung pilitan lang e hindi ako magaling diyan. Hindi ako plastic at ayaw kong magsayang ng oras pilitin ang sarili ko na mag-concentrate para sa bagay na iyon.
Hindi ako robot. Kaso wala naman akong magagawa kundi sundin kasi disppoinment ka nga sa kanila, dadagdagan mo pa ng dahilan. Napilit na nila ako noon at walang nangyari kaya ayaw ko na magpapilit pa. Bigyan muna nila ako ng isang milyong dolyar, papapilit ako.
Ayaw ko rin na dinidiktahan ako sa gagawin ko. Kung kailan ko gusto imulat ang mata ko, imumulat ko. Kung gusto ko umutot e gagawin ko. Hindi naman iyon ang gusto nila hawakan sa buhay ko. Gusto lang naman nila na mag-aral na akong magmaneho para madagdagan ang trabaho ko sa pamilya namin – tsuper na ako! Kaso wala ako sa mood para doon. Bibilhan daw nila ako ng sasakyan, kahit ano na gusto ko. Kung ganun naman pala e pag-aralin na lang nila muna ako sa eskwelahan. Sa susunod na iyang kotse. Unahin muna yung mahalaga. Maliban na lang kung mas mahalaga sa kanila na maging driver nila ako kaysa sa makapasok na ako.
Isa pa sa ayaw ko e yun bang parang laging may giyera sa bahay. Sigaw dito, sigaw diyan. Simangot dito, simangot diyan. Nakakalungkot na nga kapag wala sila (Ako lang naiiwan sa bahay. May trabaho mga magulang ko at may pasok naman mga kapatid ko.) tapos pagdating pa nila malungkot pa rin. Minsan na nga lang kami magsama-sama hindi pa puro tawanan. Nakakaasar.
Mukha na atang hate blog ito pero hindi a. Mahal ko naman sila kahit na katumbas ko ngayon sa Pilipinas e taong kanto maliban sa hindi ako mahilig uminom ng alak at manigarilyo. Bitter lang ako kasi kung kailan matatapos ng Third Year ang mga kaklase ko dati sa Pilipinas e doon pa lang ako mag-First Year. (Sana naman. Ayaw ko ng maging taong bahay. Pauwiin na lang nila ako sa Pilipinas ng maging drug adik na lang ako at may nagagawa.)
Bitter lang ako kasi kuntento na ako sa buhay ko bago dito. Marami akong kaibigan, marami akong raket sa USTe at habang may ka-text ako sa Globe meron akong kausap sa Sun. Nakuha mo ba punto ko? Sa Pilipinas, kahit na third world pakiramdam ko naman at tunay akong mamamayan kaysa dito, first world nga kaso pakiramdam ko naman e alikabok lang ako.
Aanhin ko ang four seasons kung para naman akong zombie. Aanhin ko ang snow kung hindi ko naman magagamit sa halo-halo. Aanhin ko ang mga pangarap ko kung alam ko naman na kailangan ko pang tumangkad para maabot sila. Aanhin ko ang daylight savings kung nasa bahay lang din naman ako.
Mabait naman ako a. Papakabait pa ba ako?
by
미겔 Mirau
~